News

7 kabataan, wagi sa Kulturang Kalahi poster-making contest

Pinarangalan ang pitong mag-aaral ng hayskul mula sa iba’t ibang panig ng bansa na nanalo sa Kulturang Kalahi nationwide poster-making contest na isinagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng programang Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated of Social Services (Kalahi).

Layon ng patimpalak na patanyagin ang boluntarismo sa pamayanan at ang apat na prinsipyo ng Kalahi — ang aktibong pakikilahok o participation, pagpapabilang o inclusivity, accountability, at may aninaw o transparency — upang hikayatin silang ipagpatuloy ang sama-samang pagkilos nang may malasakit sa mga pamayanan ng Kalahi sa 800 munisipyo sa buong bansa. Ang apat na prinsipyo rin ang nagsilbing kategorya ng patimpalak.

Umabot sa 31 kalahok mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang nagsumite ng mga obrang nagpapakita ng iba’t ibang mukha ng boluntarismo sa komunidad sa Kulturang Kalahi.

Itinanghal na kampeon sina Yul Gabriel F. Dionson ng Bais City National High School, Negros Oriental (participation category); Imre C. Recto ng Lord's Angels Montessori School, Bulacan (transparency category); Ross C. Recto ng Iba National High School, Bulacan (accountability category); at Clifford G. Llaneza ng Heart of Mary High School, Abra (inclusivity category).

Kinilala rin ang dalawang runners-up kada kategorya. Sila ay sina Roderick B. Alvarez ng Cagayan National High School, Cagayan Valley at Rai Ken L. Villas ng Bangbang National High School, Marinduque para sa Participation category; Paul Rey D. Quisto ng Sorsogon National High School, Sorsogon at Ross C. Recto ng Lord's Angels Montessori School, Bulacan para sa Transparency category; John Harvey C. Narag ng Cagayan National High School, Cagayan Valley at Arlyn Aisha C. Ismael ng San Fernando City South Central Integrated School, La Union para sa Accountability category; at ang magkapatid na Ross at Imre Recto naman ang runners-up sa Inclusivity category.

Ang parangal ay ginanap sa bawat paaralan ng mga nanalo kung saan nakatanggap sila ng sertipiko ng pagkilala, medalya, at cash prize na P4,000 para sa mga kampeonat P1,000.00 naman para sa runners-up.

Ayon kay Alvarez, Grade 12 sa Cagayan National High School at runner-up sa participation category, kailangang makiisa sa mga programa ng DSWD para makatulong sa pag-unlad ng bansa na siyang ipinakita niya sa kaniyang obra na Punla ng Pagkakaisa.

“Ginawa kong ugat ang mga tao sa aking drawing dahil ang ugat ay kumakalat. Kapag naipakalat natin ang pagkakaisa at pagtutulungan, doon mas lalago ang bansa natin,” ayon kay Alvarez.

Samantala, hinikayat naman ni Imre Recto, mag-aaral ng Grade 11, ang mga katulad niyang kabataan na gamitin ang kanilang talento sa pag-abot ng mga pangarap.

“Sa mga kabataang katulad ko, ‘wag po nilang isiping mahirap sila. Gawin lang nila ang mga gusto nila upang matupad ang kanilang mga pangarap sa buhay,” ani Recto na benepisyaryo rin ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng DSWD.

Ang Kalahi ay programa ng pamahalaan na nagsusulong ng Community-Driven Development (CDD) kung saan binibigyang kapangyarihan ang mamamayan na tukuyin at magpasya sa mga proyektong tutugon sa pangangailangan ng kanilang komunidad. Naisasakatuparan ang mga proyekto sa tulong ng community volunteers na inihalal ng mga residente para pamunuan ang implementasyon ng proyekto.

Sa kasalukuyan, ang Kalahi ay ipinatutupad sa 800 munisipyo sa 14 na rehiyon ng Pilipinas. Mayroong 577,358 community volunteers sa buong bansa na sama-samang kumikilos upang magpatupad ng mga proyektong makatutulong sa pagpapaunlad ng kanilang komunidad. #